“Uy! Pauwi ka na? Nakaalis na ako sa office, kakasakay ko
lang ng bus.”
Text ko kay Alfred, long time crush ko.
No, hindi lang crush – MAHAL ko siya, I’m pretty sure of it.
High school pa lang, nadiskubre ko nang may pagtatangi ako sa kanya. We were
classmates. I did a lot of attempts to show my feelings to him, or let him know
by telling it straight to his face, but I just can’t. It’s hard, really.
Sasabihin ko rin naman talaga, kaya lang hindi ko alam kung paano, kung kalian.
Kaya heto, may trabaho na kaming pareho pero wala pa rin nangyayari.
Nakakatawa, hindi man lang ako tumingin sa iba. Well, okay, I also had a lot of
crushes but my heart has already been taken... actually, given.
He replied, which is pretty unusual.
“Kakalabas ko lang din ng office. Jeep na. Hassle nga eh,
sobrang traffic. At this rate, I think I’ll arrive in the terminal no less
than an hour and a half.”
Oo ganyan kami magtext, kumpleto'ng mga salita.
He rarely uses his phone. Isa siguro ito sa mga araw na
napagtripan niyang tignan yung cellphone niya. Must be my lucky Friday, thank
God! Syempre, para sa isang tulad ko na umaasa, makatanggap lang ng kahit anong
text sa kanya, masayang-masaya na. Sa San Ildefonso, Bulacan ako nagtatrabaho,
siya naman sa Mandaluyong. Lagi akong nagtetext sa kanya every Friday kapag ganyang
uuwi na ako sa Calauan, sa Laguna. Siya, sa Bae naman umuuwi, kaya pwedeng
magsabay na kami. Ang saya kaya magbyahe kapag kasama mo ang mahal mo.
Dali dali akong nagreply. Oh yes, I’m excited and overwhelmed
by the mere fact that he replied.
“Uy ayos nga! Sakto lang yan. Nasa Pulilan na ako, lapit na
rin sa NLEX, so mga gan'ong oras din dating ko sa Cubao.”
At nagreply ulit siya. Suwerte talaga ‘tong Byernes na ‘to.
“Sige I’ll try to wait na lang sa terminal. Dala kang foods
ha. Hehe! Gutom na gutom na ako. Btw, I’m running out of load na. Text or call
me na lang later.”
Napabulong na lang ako sa utak, Tanga naman eh. Nasa bus na
nga ako ‘di ba? Saang kuko ng agila ako kukuha ng pagkain? Bahala ka. Pero ang
totoo niyan, pressured na akong makahanap ng pagkain - para sa kanya.
Biglang tumigil ang bus, may mga pasaherong bumaba. Nainis
ako. Alam mo yung nagmamadali ka tapos magdadasal ka na hangga’t maari wala
sanang bababa sa sinasakyan mo. Oh, been there a lot of times, particularly
during my college days when already late for an exam.
But then came a blessing in disguise. May isang tinig akong
narinig na sagot sa pinuproblema ko sa mga oras na iyon. Bakit hindi ko nga ba
naisip ‘yon?
“Charown! Charown! Charown kayo ‘diyaaan. Special o,
special, may kasama pang laman!”
Ang swerte lang talaga! Favorite niya kaya yung chicharon.
So bumili ako, tatlong balot. Isa kakainin namin sa bus
pa-Laguna, ‘yung isa iuuwi ko sa bahay, tapos siyempre ‘yung isa, kanya pa rin.
Iuuwi niya.
Nagtext naman ako agad. Pero pa-simple lang para hindi naman
ako mahalata.
“Daya mo! Ako rin naman gutom. Oo na sige, basta hintayin mo
na lang ako sa terminal.”
Hindi na nga ulit siya nagreply.
Palabas na sa NLEX ‘yung bus na sinasakyan ko. Lalo akong
naging excited. Tumingin ako sa wristwatch ko – quarter to six pa lang. Ayos.
Malaki ang t’yansa na magkasabay kami, baka nga mauna pa ako sa kanya dun. Pero
naisip ko, mas maganda kung mauuna siya tapos makikita ko siyang naghihintay sa
bench. Ang romantic ng eksenang ‘yun. Kinilig talaga ako sa eksenang binuo ko sa
utak ko. Hindi ko namalayan, ngiting-ngiti na pala ako.
Nasa side ng aisle ako nakaupo. Ang katabi ko na nasa may
window seat ay isang ina na may hawak na batang siguro kakalampas lamang ng
isang taon. Hinawakan ng bata ang aking braso. Medyo naabala ang pag-iilusyon
ko. Sa totoo lang, hindi ako mahilig sa bata pero dahil good mood nga ako
nginitian ko yung bata. Binawi ng ina ang kamay ng anak niya at nagpaumanhin sa
akin. Nakangiti naman akong nagsabi na “okey lang po.”
Hindi nakalampas sa aking paningin ang dating ng babaeng
iyon. Sa palagay ko ay bata pa rin siya kung tutuusin, matanda lamang siguro sa
akin ng apat hanggang limang taon. Mabait ang bukas ng kanyang mukha. Ngunit
lutang sa kanyang mga mata ang ibayong lungkot. Saka ko napansin, itim na
blouse at leggings ang suot niya. At dahil naglikot muli ang bata na kandong
niya, nakita kong may naka-pin sa dibdib niyang itim na parihaba.
Napansin ko rin na marami siyang dala. Halos mapuno nga ng
bag ang gilid niya. I politely offered to have the child seated on my lap. But
she refused with a smile and thanked me. “Sorry ha, akala niya siguro ikaw ang
daddy niya.”
Hindi na ako nagpumilit pa. I know that she is going through
a painful situation. Pero sa dami ng good vibes ko sa mga pangyayari kanina hindi
ako nagpadala sa malungkot na isiping iyon. Plakado na talaga yung ngiti ko.
Nasa NLEX na kami nang biglang tumigil yung bus na sinakyan namin.
May nasiraan pala na kaparehas ng bus line na sinasakyan ko. Ang nangyari,
nagsisakayan ang mga pasaherong nagmamadali galing sa nasirang bus papunta sa
amin. I got annoyed that we need to stop. Kapag nagmamadali ka nga
naman.
Siksikan na ang mga tao sa bus. Marami na ang nakatayo.
Ayoko pa man din sa masikip, may pagka-claustrophobic
kasi ako. Pero nang maisip ko na madadatnan ko si Alfred na naghihintay sa
terminal, muli ay nangiti ako.
Nasa ganoong ayos ako nang mapatingin ako sa taong nakatayo
sa gilid ko. Nakaharap siya sa direksyon ko. Nakatingin din pala siya sa akin,
at nakangiti pa. Natigagal ako, nakita ko ang aking pangarap. Matangkad,
maputi, slim, matangos ang ilong, bagsak ang buhok, tamang kapal ng kilay, mapungay
ang mata at napakapula ng labi niya. Ang swerte ko na talaga. Sa may tapat ko
pa talaga siya napatayo.
Likas akong mahiyain kaya napatungo ako. But I just can’t
resist this wonderful creation. Kaya iniangat ko ang ulo ko pero ang tingin ay
diretso, sa upuan ng nasa harap ko. Sa gilid ng aking mata ay napansin kong
nakatingin pa rin siya sa akin. Kilig na kilig naman ako.
Sa tuwing mag-oovertake ang bus na sinasakyan namin ay di
maiiwasan na mapapasunod ang katawan ng mga nakatayong pasahero. Kaya naman
mapapadiin siya sa gilid ko, na ikinatutuwa ko naman. Hapit pa naman ang pantalon
na suot niya. Tignan mo nga naman, nakuha pang maglandi.
Naalala ko tuloy si Alfred, kung tutuusin hindi naman siya
gwapo. He’s too far from my definition of a dream man. Mas maliit siya sakin,
may konting pimples, may sungki ang ngipin at medyo moreno. But I thought, his
imperfections actually made him cuter. Maganda naman ang mata niya, bagsak rin
ang buhok na siyang paborito ko sa kanya at higit sa lahat, matalino siya.
First honorable mention kaya namin siya nung high school tapos Magna Cum Laude lang naman nang magtapos ng Biochemistry.
Si Alfred, biglang nagtext ulit. “May accident pala. Umuusad
na rin sa wakas. I’ll be there in 20 minutes.”
Hindi na muna ako nagreply. Kinabahan ako. Nasa NLEX pa rin
kami pero malapit na rin naman sa EDSA. Huwag lang magkatrapik sa Balintawak
makakarating ako dun ng gan'ong oras.
Sumigaw ang konduktor. Nasa Camachile na pala kami, ayos.
Maraming bumabang pasahero kabilang ang mag-inang nasa tabi ko. Dahil ako ang
nasa side ng aisle, kinailangan kong tumayo muna upang maayos silang makababa.
Habang papalabas sila ng bus, nakatingin pa rin sa akin ang baby nang nakatawa. I waved my hand to say goodbye.
Saka ko namalayan, dikit na dikit pala ako kay Pangarap.
Iyon ang naisip kong bansag sa kanya. Nahiya akong muli at dali-daling umupo sa
upuan na nabakante ng mag-ina.
Bakante na rin ang isang upuan sa katapat na hanay ng aking
kinauupuan at may maganda pang dalagang nakaupo malapit sa bintana, ngunit
pinili ni Pangarap na tumabi sa akin. Nagtaka ako, at kinilig na rin. Inalis ko
ang bag ko na nakalagay sa bakanteng upuan sa aking tabi at inilagay sa lapag. Naupo
na nga siya sa aking tabi.
May isang lalaking umupo dun sa tapat namin. So I gave
Pangarap the benefit of a doubt. Nakita niya sigurong uupo rin ang lalaking
iyon kaya ipinagparaya na lamang niya ang upuan na iyon sa kanya. Napansin kong
may pagkamalamya ang lalaking iyon at malagkit ang tingin sa aking katabi. Napangisi
ako at naisip na pasensya na lamang siya dahil ako ang katabi kaya akin ang
Pangarap ko. Bawal sumawsaw.
I felt slightly guilty. Dapat si Alfred lang ang iniisip ko
ganitong magkikita kami. Oo na, kung makapag-isip ako akala mo naman syota niya
talaga ako. Kaibigan nga lang pala ako.
Kaibigan. Para akong dinagukan sa ideya na yun. Walong taon
ko na siyang minamahal nang patago. Tumingin na lamang ako sa labas ng bintana
upang makaiwas sa pagpasok ng nakakalungkot na isiping iyon, at makaiwas na rin
sa tukso.
Dahil si Pangarap, abot na abot ko na. Nasa tabi ko na nga
eh. Kusa na ngang dumidikit sa akin at talaga namang nakakahalina ang amoy
niya. Para akong hinihigop sa tuwing mapapadaiti ang kanyang braso sa aking
tagiliran. Gusto kong makipagkiskisan ng katawan, subukan kung hanggang saan ko
kaya. Ngunit muli lang akong nahiya at dumistansiyang palayo sa aking Pangarap.
Isiniksik ko ang aking sarili sa gilid ng bus hangga’t kaya ko.
Ngunit patuloy sa pagtukso si Pangarap. Ibinuka niya ang
kanyang mga hita na normal lang naman sa ating mga lalaki tuwing uupo. Nagtama
ang aming tuhod. Hindi, buong hita hanggang binti pala namin ang magkahinang.
Hindi ko kinaya ang sensasyon na iyon, napatingin ako sa kanya. Ngunit
nakatingin siya ng diretso sa kanyang harapan. Mabuti na lamang at ganoon,
dahil kung nakatingin din siya sakin ay baka hindi ko na mapigilan ang sarili
kong kumawala sa sarili kong hawla na ako rin mismo ang gumawa.
Naisip kong bahagyang makipaglaro. Susubukan ko kung
sinasadya ba niya talaga yun. Ibinuka ko rin ang aking hita at
napagtanto kong nakikipaglaban siya. Kinabahan ako at nasabik. Maski ang aking
balikat ay idinikit ko na rin sa kanya. Nagawa namin ito nang hindi
nagtitinginan.
Himalang walang traffic sa Balintawak Market kaya
dire-diretso lamang ang bus. Unti-unting nagsisibabaan ang mga pasahero sa
kani-kanilang destinasyon.
Nanatili kami ni Pangarap sa ganoong posisyon. Magkadikit na
talaga kami. Nakakapang-init sa pakiramdam. Ngunit sadyang malakas ang aking kontrol
at hindi na ako gumawa pa ng kahit anong kilos dahil natatakot rin akong baka
hindi pala katulad ng nasa isip ko ang nangyayari.
Sumigaw ang konduktor. Nasa SM North na pala kami. Tumayo
ang lalaking malamya sa aming tapat. Kinumbinsi ko ang aking sarili na bading nga
siya. Oo naaamoy ko. It takes one to know one. Pasimple akong natawa.
Kapagkuwa’y kumalas si Pangarap sa aming posisyon. Bababa na
rin pala siya. Nagulat na lamang ako nang hawakan niya ang kamay nung lalaking
malamya. Nanlaki ang aking mata at bahagyang natanga. So the joke’s actually on
me. Akala ko tuloy-tuloy na swerte ko. Pasabik lang pala.
Nang bahagyang makalayo ang magsing-irog ay lumingon sa akin
si Pangarap. Nginitian niya ako at kinindatan. Nagawa ko rin naman ngumiti
pabalik at namatay ako ng tatlong segundo.
Pagkabalik ko sa aking ulirat ay naalala ko si Alfred. Gusto
ko siyang tawagan kaya lang baka matunugan niya na sabik na sabik ako, kaya tinext
ko na lang siya.
“Nasa Trinoma na ako. Wait lang ha. Lapit na.”
Hindi siya nagreply. Wala na nga sigurong load. Kinabahan
ako, paano kung mainip siya? Pero maswerte nga pala ako ngayon. Inisip ko na
lang na wala pa naman siguro siya sa terminal.
Ang masama nito, biglang nagtraffic. Lalo akong kinabahan.
Dasal na ako ng dasal. Ngunit sadyang mabagal ang daloy ng sasakyan. Bakit nga
ba hindi eh Byernes ngayon. Oh, EDSA!
Muli akong nagtext sa kanya.
“Please wait lang. Malapit na ako traffic lang sa Quezon Av.”
At bigla siyang nagreply. Actually it wasn’t a reply to my
text because it came a second after I sent my message. At mahaba ang text niya.
“Last load. Dito na ako sa terminal, pinalampas ko na lang
muna yung isang bus. Pero sumakay na ako dito sa sumunod na bus ha? Nagpupuno pa
naman. Sorry if makaalis to if you’re still not here.”
Mukhang nauubos na swerte ko. Puro mura na ang nasambit ko
sa sarili ko nun. Badtrip sa traffic. Sari-saring santo na ang tinawag ko.
Himala naman biglang bumilis ang takbo ng bus at nakarating agad sa
GMA-Kamuning.
Nireplyan ko siya, “Dito na ako sa GMA. Malapit na. Intayin
mo naman na ako, hmp!”
Hindi na siya muli nagreply. Isinumpa ko na mamamatay ang bababa sa
bus hangga’t hindi nakakarating sa Aurora Blvd kung saan nandoon ang terminal
ng bus pa-Laguna. Ngunit
pagkasabing-pagkasabi ko nun sa aking sarili ay biglang tumigil ang bus para sa
mga bababa sa JAM Transit. Napasimangot na ako.
Pero swerte pa rin dahil wala na ngang bumaba at matulin
kaming nakarating sa aking bababaan. Napatingin ako sa likod ng bus na aking
nasakyan, may nakaprint na advertisement doon para sa Cash Loan ng isang bangko,
“This is your Lucky Day! Go get your dream.”
Dali-dali akong nagpunta sa HM Terminal. Nakita ko ang
nag-iisang bus at mukhang marami-rami pang bakanteng upuan sa loob. Napansin
kong walang pila ng mga pasahero kahit Biyernes. Swerte nga talaga ang araw na
iyon.
Kinakabahan, sumakay ako sa bus na iyon. Hinanap agad ng
aking mga mata si Alfred. Inisa-isa ko ang bawat upuan ngunit nasa gitna na ako’y
wala akong nakitang bakas niya.
Nalungkot ako ng bahagya at naghanap ng mauupuan. Sa may
unahan muna ako naupo at saka na lamang lilipat kapag nakita ko na siya.
Syempre dapat magkatabi kami, marami pa naman bakanteng upuan sa bandang
likuran. Naisip ko naman na marahil ay naihi lang siya.
Biglang may sumakay na isang grupo ng mga estudyante at sa dami nila ay halos napuno na agad ang bus. Nainis na ako kung bakit ang tagal niya at baka maiwan na siya ng bus. Narinig ko ang konduktor na nagsabi sa driver na may nag-CR nga daw. Natuwa ako pero kinakabahan pa din. Nasabik na rin dahil dalawang buwan ko na siyang hindi nakikita. Balita ko nagpakabit siya ng braces.
Biglang may sumakay na isang grupo ng mga estudyante at sa dami nila ay halos napuno na agad ang bus. Nainis na ako kung bakit ang tagal niya at baka maiwan na siya ng bus. Narinig ko ang konduktor na nagsabi sa driver na may nag-CR nga daw. Natuwa ako pero kinakabahan pa din. Nasabik na rin dahil dalawang buwan ko na siyang hindi nakikita. Balita ko nagpakabit siya ng braces.
Nagsalita ulit ang konduktor at sinabi sa driver na pabalik
na daw yung nag-CR. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Iniba ko ang itsura ko para
hindi naman magmukhang tuwang-tuwa ako na makita siyang muli. Naramdaman kong may sumampa at parang sasabog na ang aking puso sa kasabikan.
Ngunit sa aking pagkadismaya, isang babae ang pumasok.
Kinutuban na ako. Napansin ko ang cellphone ko, at naisip
kong bakit hindi ko na nga ba tawagan. Baka naman kasi nasa likod lang din siya at
hindi ko lang din napansin sa liit niya.
Nakailang ring rin bago niya sagutin. Nagulat ako nang
nakarinig ako sa kabilang linya ng tunog ng tumatakbong makina at busina ng
bus.
“Uy! N-nasaan ka na?” Halos magcrack na yung boses ko.
“Ah, kakaalis lang sa terminal, siguro mga 15 minutes pa
lang. Sorry ha gutom na gutom na kasi ako. Napuno na yung bus eh, pinalamp-“
Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya. Sumagot ako ng,
“Ok lang,” at dali-dali kong pinatay ang tawag. Hindi ako iyakin ngunit may
nakatakas na luha sa aking kaliwang mata at dali-dali ko rin naman pinunasan.
Ang sakit ng dibdib ko nun. Halos hindi ako makahinga. Ilang
beses na nga ba ako nasaktan sa kanya sa pag-asang bibigyan niya ako ng
importansiya. Pero ito, sobrang sakit. Ang pinaka-ayokong feeling ay yung iniiwan. Parang nagising ako na hinding-hindi
talaga mangyayari na mamahalin ako ni Alfred. Imposible.
Walong taon. Walong taon akong nagmahal nang palihim. Walong taon akong nangarap na mahalin din niya ako. Walong taon akong nagpakatanga.
Walong taon. Walong taon akong nagmahal nang palihim. Walong taon akong nangarap na mahalin din niya ako. Walong taon akong nagpakatanga.
Naisip kong tigilan na ang kahibangan ko. Tama na siguro
yun. Panahon na para humanap ng totoong makakapagpasaya sa akin.
Ngunit habang iniisip ko ito ay lalo lamang akong
nasasaktan. Hindi ko kaya. Mahal na mahal ko siya at ang isipin ko pa lang na
humanap nang iba ay talagang napakahirap.
Inangat ko ang bag kung saan nakalagay ang marurumi kong
damit. Napansin kong basa ang isang parte nito. Nahawakan ko pa iyon at
napansin ko kung ano iyon. Gatas. Naalala ko ang bata kanina doon sa isang bus.
Napabuntong-hininga na lang ako.
Tinignan ko ang aking cellphone. Napansin ko ang petsa.
August 13. Friday the 13th. Natawa ako ng pagak.
Akala ko tuloy-tuloy na swerte ko. Pasabik lang pala.
Napansin ko ang isa pang plastic bag na dala-dala ko. Tinext
ko ang bestfriend ko na taga-samin lang din.
“Bes, kita tayo please. :( May dala ako,
gusto mo ng chicharon?”
-END-
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento