Miyerkules, Enero 30, 2013

Liham sa Isang Nakaraan: Bating Panimula

Kamusta ka na? Miss na kita alam mo ba yun, nakakaasar man aminin. Sabi ko naman sayo mahalaga ka sakin bilang kaibigan. Pero di rin kita masisi, malaki talaga kasalanan ko sa'yo eh.

Halos isang taon din pala tayo sa isang on and off 'cellphone' relationship. Tanda ko pa nun, fourth year college ako 2nd sem last days of October 2010, desperadong desperado na ko magkasyota. Nakilala kita sa isang social networking site na libre sa Globe. Out of the blue, nag-PM ka sakin. Hiningi mo number ko, ako naman si timang bigay agad. Ang cute mo kasi sa pic eh. Agad-agad nagtext ka, syempre reply din ako kasi nagkataon may load ako nun. O nagpaload yata ako, di ko na tanda. Konting usapan lang, bumanat ka na agad kung pwede maging tayo. Syempre tuwang-tuwa naman ako, pero nagpakipot rin naman ako. Siguro, mga 3 minutes. Dinramahan mo ko na ayaw ko sa'yo. Ang galing mo, kasi mahina ako sa ganyan. Takot kasi ako mareject so as much as possible ayoko din mang-reject. Ang ending, naging tayo soon as we knew each other.

Hindi ako naniniwala sa relasyon sa text, pero sinubukan ko na din. Ang kaso, na-hook ako. Tawagan, lambingan, harutan. Ang panget nga pala ng boses mo, nasabi ko ba sa'yo yun? Maliit tapos tunog iniipit. Pero ok lang, ang lambing mo kasi, na may pagkapossessive. Andami mo plano para satin. Kesyo gusto mo akong ibahay. Yung pag nagkatrabaho ka sa bahay na lang ako tagaasikaso sa'yo. Gusto mo parang maging dominante satin, bagay na hindi ko gusto pero hinayaan ko na lang. As if naman mangyayari talaga yun. Feeling ko talaga nun magsyota tayo, well, magsyota nga naman talaga tayo - sa cellphone. Ang hirap lang sa'yo ang hilig mo magpa-load. Sorry ka na lang kuripot ako wala ka napala. Pero infairness, 'di ko rin masabi na yun lang habol mo kasi kahit hindi naman kita pinapaloadan, andyan ka pa rin para sakin.

December 2010, di mo 'ko binati nung birthday ko. May konting tampo pero inisip ko na lang na baka busy ka. First time ko magkasyota kaya tanga pa ako nun! Nagmonthsary nga tayo di mo rin ako binati. Sabagay di rin kita binati. Sensya bulok ako sa mga petsa eh. Tsaka ang sakin, why count months kung pede naman years? Oh, 'di ba! Ang kaso, one week after ng birthday ko, kung kelan seryoso na 'ko sa'yo, bigla ka na lang nang-iwan sa ere. May reklamo ka tungkol sakin nun eh, 'di ko na lang masyado tanda kung ano pero ang alam ko wala sa hulog yung dahilan mo nun. Hayup ka. Paasa.

Sakto naman nung mga panahon na nagkakalabuan may malandi akong nakilala sa isang online dating site naman. Alam niyang may syota ako nung nagkakilala kami. Inaagaw nga niya 'ko nun eh, cute din siya, pero mas cute ka pa din. Tapos ambata pa. EKIS. Eh may nalalaman kang cool-off cool-off d'yan edi nagkalapit kami ngayon. Libugan, este landian, landian, landian.

Tanda ko magpapasko na nun, halos makalimutan na kita dahil sa batang yun, bigla ka naman nagparamdam ulit. Sabi mo miss mo na ako. Aminin ko na-miss din kita. Ganun siguro talaga pag first love. Yuck. Haha. Nabanggit ko siya sa'yo. Odi ba ang honest ko? Sabi ko kaibigan ko, hiningi mo number. May kutob na 'ko na aawayin mo lang siya, pero nung tinanong ko ang bata kung okey lang ibigay number niya sa'yo, pumayag pa nga! Binigay ko, nagrambol kayo. ANG KINIS KINIS KO NUN DAHIL SA INYO. Nagalit ako sa'yo, yung bata 'pinagtanggol ko. Yun pala, balak lang niya talaga mang-agaw, inamin naman niya after some time. Badtriphhh!

So ayun, 'focus sa pag-aaral' ang eksena ko. Yun naman karaniwan rason at takbuhan ng mga single o broken-hearted e. Pero mid-January nagparamdam ka ulit, sabi mo mahal mo talaga ako. Medyo natakot na ako nun, pero inentertain naman kita. Gusto rin naman kita maging kaibigan e. Ayaw mo lang, sabi mo kasi hindi mo kailangan kasi marami ka na nun. Sabi ko sa'yo maghintay ka. Pero wala din, dinramahan mo na naman kasi ako. Kesyo wala ka na talaga pag-asa sakin, sabihin ko na lang sa'yo kung di kita gusto para di mo na ko kukulitin. So bumigay din ako. Sakto Feb 14, 2011 nun nakipagbalikan ako sa'yo. Pero sa text pa din. Ang layo kaya natin sa isa't-isa. Laguna-Bulacan. Eh estudyante pa lang naman ako nun tapos wala pa ako kaalam-alam sa Maynila, Bulacan pa kaya? Wala ka din naman trabaho nun so hindi rin ako makapagdemand.

This time, madalas ka pa rin magpa-load, pero mas naramdaman ko na seryoso ka talaga sakin. Kaya lang, ako, unti-unti nanlamig. Graduating kasi ako n'on at talaga namang halos wala na ako oras sa'yo. Eh maski nga sarili ko hindi ko na masyado maasikaso kasi kinain na ng manuscript ang buhay ko. Inintindi mo naman ako. Hanggang sa naka-graduate ako. Landian, landian, landian.

Niiyaya mo 'ko pumunta sa inyo kasi pyesta. May pa ang pyesta sa inyo pero katapusan pa lang ng March sinabi mo na sakin agad. Hindi ako makapayag kasi hindi ko alam kung magkakapera ba ako nun at higit sa lahat, nakakatakot kaya pumunta mag-isa sa bahay niyo.  Hindi dahil sa ayaw ko magpakita o takot ako sa mga magulang mo. Takot ako dahil hindi pa kita lubos na kilala, never pa nga tayo nagkita tapos dadalhin mo na ako agad sa bahay niyo. Medyo praning na pero naaalala ko lang yung isang story sa Shake, Rattle and Roll na may namyesta tapos baryo pala ng mga aswang yun. Point is, baka kung ano ang gawin mo sakin. Kung anu-anong katangahan dinahilan ko, in the end, napa-oo mo din ako kasi ginamitan mo na naman ako ng reverse psychology. Pero hindi ko pa rin talaga sigurado nun kung makakapunta nga ako. Tsaka, bonggang magkaaway kami ni nanay nun, pero sa 'kin na lang yun.

Ang kaso, ipinamalita mo na pala na pupunta ang BOYFRIEND mo sa inyo. Ipinamalita mo sa mga kamag-anak mo, sa mga dati mong kaklase at sa mga kabarkada mo. Sabi mo kasi, gusto mo ako ipakilala sa kanila.

Hindi ko na alam ang gagawin ko nun. Sakto after graduation pa naman andami nagbigay sakin ng pera. Wala ako excuse. So ang ginawa ko, isang linggo bago magpyesta sa inyo inaway kita sa imbentong rason, na nakalimutan ko na din ngayon kung ano nga ba, para hindi ako makapunta sa inyo. Nagawa kitang tiisin. Wala ako pakialam kahit napahiya ka sa inyo. Naawa rin naman ako pero mas matimbang yung takot ko eh. Sorry LABS.

Mas malala pa nito, nalaman mo na may pinamyestahan akong kaibigan ko sa Batangas isang linggo pagkatapos nung sa inyo at isang linggo bago ako magsimula sa trabaho. Hindi ko na nagawa magrason kasi guilty naman ako. Inaway-away mo ko nun, kung anu-ano masasakit na salita sinabi mo, pinagmumura mo pa ako, pero hindi mo ako hiniwalayan. Nagsorry ka pa nga after dahil sa mga nasabi mo.

Simula nun, naging sensitive ka at over possessive saken. Ultimo pagbanggit ko sa'yo na cute yung magiging boss ko sa trabaho ikinagalit mo. Naalala mo, sinabi mo sakin na ikaw lang dapat ang gwapo para sakin? Katangahan. Tapos lahat ng puntahan ko may pagdududa ka. Nasasaktan pa naman ako kapag pinaparatangan ng bagay na alam kong mali. Edi ayun, ako pa nga nakipagbreak sa'yo. Nagkakasakitan na kasi tayo. Hindi na healthy ang isang relasyon kapag pareho na kayo nasasaktan.

Text ka pa rin ng text sakin, ako minsan nagtetext din sayo. Siguro kasi guilty ako sa mga ginawa ko sayo. Ang sakin lang naman, gusto pa rin kasi kita maging kaibigan kahit hindi na tayo. Minahal din naman kasi kita at mahalaga kang parte ng buhay ko, bilang unang boyfriend ko. Pero ayaw mo talaga, na hindi ko talaga maintindihan bakit mahirap sa'yo yun tulad na rin ng sinasabi mo. Mahirap ba talaga makipagkaibigan sa ex? O siguro tanga lang talaga interpretasyon ko. Sa ngayon na isinusulat ko ito, naintindihan ko na para sa'yo mahirap magpanggap na kaibigan lang sa isang taong mahal mo gayong higit pa talaga siya sa isang kaibigan.

Mid-July 2011, hindi ka na nagtext. Wala na ko balita sa'yo. Hindi na kita matawagan. Inisip ko nagpalit ka na ng number tulad ng lagi mo sinasabi sakin para makaiwas na nga. Nabanggit mo rin na sa Subic ka na titira dahil may kaibigan ka dun na nag-aalok sa'yo magtrabaho. Sabi mo nga sakin magko-callboy ka na lang.

Naalala kong bisitahin yung social networking site kung saan tayo nagkakilala. Pero nakita ko sa account mo na matagal ka na hindi naglolog-in dun. Wala ka rin naman facebook account, kasi, ewan ko nga ba kung bakit tamad na tamad ka gumawa. Ako pa nga inuutusan mo na gumawa para sayo. At naisip ko din, wala ka kaibigan na naipakilala man lang sakin kahit sa cellphone man lang din. Sa madaling sabi, nawalan na talaga tayo ng connection sa isa't-isa.

Isa o dalawang beses sa mga lumipas na buwan, tinatawagan ko 'yung number mo. Hindi ko 'yun binura sa phone ko, saulo ko rin naman kasi. Kaya lang, wala na talaga. Hindi ko alam kung buhay ka pa o ano. Totoo nga naman, mahirap hanapin ang isang taong ayaw magpahanap. Kaya lang naisip ko, grabe gan'on na ba kasama yung nagawa ko sa'yo para pagtaguan mo at totally burahin sa buhay mo? Naging busy na rin naman ako sa trabaho. Kaya halos nakalimutan na rin kita.

December 2011, nagsisimula na ako nun ma-bore sa trabaho. At isang araw habang nagbobrowse ako sa facebook, naalala kita. Naisip ko lang subukan ulit na i-search 'yung name mo. At ayun, na-surprise ako kasi dalawa ang lumabas na account!

(Itutuloy)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento